Opisyal nang inilagay ng Bureau of Immigration (BI) sa Immigration Lookout Bulletin Order o ILBO ang pitong opisyal ng Office of the Vice President (OVP) sang-ayon sa hiling ng House Committee on Good Government and Public Accountability matapos tumanggi ang mga opisyal na dumalo sa imbestigasyon ng Kongreso.
Bagay na kinumpirma ni BI Commissioner Joel Anthony Viado nang natanggap nila ang utos noong Nobyembre 6 kung saan agad nilang isinama ang mga pangalan ng mga dawit na opisyal sa kanilang centralized database.
Binigyang-diin naman ni Commissioner Viado na ang ILBO ay para lamang sa pagmamanman sa mga opisyal ng OVP at hindi nito pinipigilan ang mga ito na makalabas ng bansa.
Kasabay nito ang atas sa mga immigration officer sa buong bansa na ipagbigay-alam sa Department of Justice (DOJ) at Kongreso kung tangkaing maglakbay ng mga nasabing indibidwal, at alamin kung may mga bagong order kaugnay sa pagbiyahe ng mga ito. | ulat ni EJ Lazaro