Hinog na hinog at nasa tamang panahon na ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ayon kay dating Sen. Antonio Trillanes IV.
Sa ambush interview kay Trillanes nang dumating sa Quad Committee, natanong ito kung panahon na bang ipa-impeach ang pangalawang pangulo.
Giit niya, kitang kita naman ang red flags at pagiging unfit ng pangalawang pangulo sa posisyong kaniyang hinahawakan.
Paalala pa niya na bilang bise president, siya ang next in line na maging pangulo sakaling may mangyari sa punong ehekutibo.
At sa ipinapakita niyang asal, dapat daw kilabutan ang mga Pilipino kung bibigyan ng kapangyarihan si Duterte na maging pangulo ng bansa.
Kasunod ito ng naging ‘meltdown’ ni Duterte na umabot sa pagmumura at pagbabanta sa buhay ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Siguro naman nakikita nung mga kababayan natin lahat nung mga dangers, mga red flag, yung unfitness ni Duterte, Sara Duterte to hold the position of vice president and remember as vice president she could be president any time no, in cases of emergencies, kaya imagine mo asal na nilalabas niya pinapakita niya bibigyan mo ng power ng presidency yan dapat kilabutan yong bawat Pilipino” diin ni Trillanes.
Hindi rin aniya sapat na sampahan lang ng kasong sedition si VP Sara, dahil mananatili pa rin naman siyang bise presidente.
Ang pinakamainam pa rin ay ang maalis siya sa pwesto.
“Kailangan matanggal ito sa puwesto diba sabi ko may topak eh alam naman nating di naman tayo psychiatrist pero alam natin may topak at yong normal at ito hindi to normal.” sabi ni Trillanes.
Samantala, sinabi rin ni Trillanes na maituturing na inciting to sedition ang ginawang pahayag ni dating Pang. Rodrigo Duterte kamakailan na humihimok sa militar na talikuran ang suporta sa pamahalaan.
Paalala naman niya na bagamat tiyak niyang hindi babaliktad ang kasundaluhan hindi aniya dapat pakampante ang mga awtoridad. | ulat ni Kathleen Forbes