Hindi manghihimasok ang Department of Justice (DOJ) sa anumang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Ito ang nilinaw ng DOJ matapos lumutang ang mga planong pagpapatalsik sa Bise Presidente ng sabihin nitong may kinausap na siyang tao para patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Andres, wala sa mandato ng DOJ ang manghimasok sa anumang impeachment proceedings dahil ito ay eksklusibong trabaho ng mga Kongresista.
Pagtutuunan na lamang daw ng DOJ ang imbestigasyon sa criminal aspect laban kay VP Sara.
Samantala, muling iginiit ng DOJ na walang immunity from suit ang Pangalawang Pangulo kaugnay sa mga binitiwan nitong pagbabanta. | ulat ni Michael Rogas