Hindi kasama sa pinagtutuunan ngayon ng pansin ng Kamara ang pagsusulong sa impeachment complaint laban kay Vice Presdent Sara Duterte.
Ayon sa Young Guns bloc, bagamat iginagalang nila ang karapatan ng sinoman na maghain ng reklamo, mas nakatuon aniya sila ngayon sa kanilang trabaho.
Sinabi pa ni Zambales Representative Jay Khonghun, walang napag-uusapan sa Kamara tungkol sa impeachment.
“…Kung meron bang stand ang administration ng Kongreso sa pangungunan ng ating Speaker, wala po. Hindi po namin yan napag-uusapan. Kung meron ba inuutos o sinasabi sa amin, again hindi po namin yan napag-uusapan. Isa lang ang importante sa amin… magawa ang aming responsibilidad, matapos ang aming hearing, makapagpagawa kami ng aming committee report sa pangunguna ng aming chairperson si Cong. Joel (Chua) at makapagpasa kami ng mga batas kung saan mas mapagprotektahan ang paggastos sa Confidential Fund ng bawat ahensya kasi naniniwala kami na hindi na ito dapat maulit,” sabi ni Khonghun.
Sinegudahan ito ni Manila Representative Joel Chua.
Aniya, abala sila sa pagbuo ng mga panukalang batas.
Katunayan, nakatakda silang maghain ng panukala sa susunod na linggo na resulta ng pag-iimbestiga nila sa House Blue Ribbon Committee.
“By next week mag-file kami ng mga House bill na naging produkto po nito pong investigation. Kaya sa totoo lang ang impeachment ay hindi pa po napag-uusapan at kung ano pa po, dahil sa totoo lang, nakapokus pa kami dito sa mga iba pong usapin,” ani Chua.
Maliban dito gipit na rin sa oras para talakayin pa ang impeachment dahil mag-uumpisa na ang kampanya.
“By next year, eleksyon na. So, lahat busy. Kaya hindi ko po masagot kung totoong magkakaroon ng impeachment dahil February start na po ng national campaign. By March, start na po ng local campaign,” punto ni Chua. | ulat ni Kathleen Jean Forbes