Ipinababatid ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) sa lahat ng port users at kliyente ng Manila International Container Terminal na magkakaroon ito ng online system service maintenance ngayong araw ng Linggo, Nobyembre 24, 2024.
Ayon sa abiso, ang mga apektadong serbisyo ay ang NAVIS N4 para sa preadvice mula 11:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon, at ang TABS mula 2:00 hanggang 5:00 ng hapon.
Bahagi umano ang hakbang na ito sa kanilang pagsusumikap na tiyaking protektado ang mga sistema nito laban sa anumang banta sa seguridad.
Pinapayuhan ang mga kliyente na mag-ayos ng kanilang mga transaksyon nang mas maaga upang maiwasan ang abala.
Pinapayuhan din ng Philippine Ports Authority (PPA) ang lahat ng apektadong port users sa MICT na direktang makipag-ugnayan sa ICTSI para sa anumang karagdagang impormasyon at patnubay.| ulat ni EJ Lazaro