Isang Police General, inirekumenda ng PNP Internal Affairs Service na tuluyan nang tanggalin sa serbisyo

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inirekumenda ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang dismissal laban sa isang Police General dahil sa usapin ng Command Responsibility at Negligence o kapabayaan.

Sa panayam kay PNP-IAS Inspector General, Atty. Brigido Dulay, nag-ugat ito sa kontrobersyal na operasyon ng Pulisya sa isang condominium unit sa Parañaque City noong Setyembre 2023 kung saan, nagreklamo ang mga inarestong Chinese nationals.

Kabilang na rito ang illegal arrest, gayundin ang iligal na pagkumpiska ng mga personal na gamit, at di umano’y pagtatanim ng ebidensya ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD).

Lumitaw din sa imbestigasyon na kinumpiska rin ng mga sangkot na pulis ang nasa Php 27 milyon na hindi naman saklaw ng search warrant ng mga ito.

Ipinaliwanag pa ni Dulay na kahit hindi kasama sa operasyon ang naturang Police General, nagkulang pa rin ito sa pag-aksyon laban sa kaniyang mga tauhan.

Hindi aniya kasi maaaring magsawalang bahala lamang ang isang Pinuno dahil kasunod nito’y pagdududa na kasabwat siya sa krimen.

Bagaman hindi muna pinangalanan ni Atty. Dulay ang naturang Heneral, ipinauubaya na niya ang kapalaran nito kay PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil.

Kaya naman namemeligro ang mga benepisyo ng naturang Heneral, gayundin ay diskuwalipikado pa itong humawak ng kahit anong posisyon sa gobyerno.

Nauna nang tinanggal sa serbisyo ang nasa sampung pulis na kasama sa operasyon, habang 7 rito ang na-demote na, at 17 naman ang suspendido.

Magugunitang pinatawan ng contempt ng komite sa Kamara ang grupo ni dating SPD Director, PBGen. Roderick Mariano dahil sa naturang kontrobersiya. | Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us