Pasok ang isla ng Palawan sa prestihiyosong listahan ng “Most Desirable Island in the World” ng Wanderlust Travel Magazine na nakalathala ngayon sa kanilang ika-23 Wanderlust Reader Travel Awards 2024.
Dito, kinikilala ang Palawan bilang ika-10 sa mga pinakapopular na isla sa buong mundo, kasama ang mga tanyag na isla gaya ng Sri Lanka, Taiwan, Puerto Rico, at Madagascar.
Lubos namang nagpapasalamat ang Department of Tourism sa mga bumoto at sumusuporta sa Palawan, kabilang na ang mga Pilipino at turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ayon sa DOT, ang ganitong pagkilala ay patunay ng patuloy na pag-usbong ng Pilipinas bilang pangunahing destinasyon sa turismo.
Ang isla rin ng Palawan ang natatanging lugar sa timog-silangang Asya na nakapasok sa nasabing kategorya ng mga kanais-nais na isla sa mundo. | ulat ni EJ Lazaro