Hinikayat ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na dumalo at makilahok sa nakatakdang pagbubukas ng KADIWA ng Pangulo (KNP) Expo 2024 tampok ang isa sa flagship programs ng administrasyong Marcos.
Pangungunahan ito ng Department of Agriculture – Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS) na gaganapin sa November 26-28 sa Philippine International Convention Center (PICC).
Ilalatag sa naturang Expo ang tagumpay ng KADIWA sa pagpapalakas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda, at pag-aalok ng abot-kaya at de-kalidad na pagkain para sa mamimili.
Itatampok din dito ang nasa 100 farmer exhibitors pati na rin ang mga innovation sa Kadiwa tulad ng KADIWA Food Hubs, Centers, Stores, Model Trucks, Carts at KADIWA Digital App para mapabilis ang paghahatid ng sariwang ani mula sa sakahan papunta sa pamilihan.
May libreng seminar at workshop din para sa kaalaman ng mga magsasaka at mangingisda, at networking opportunities kasama ang mga eksperto at stakeholder sa industriya.
Ang KADIWA program ay isa sa agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungo sa food security. | ulat ni Merry Ann Bastasa