Umani ng maigting na suporta mula sa mga kongresista ang Executive Order No. 74. ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa agarang pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at lahat ng iba pang offshore gaming activities sa bansa.
Ayon kay Quad Committee Co-Chair Dan Fernandez, ipinakita lamang nito ang determinasyon ng Pangulo na matigil na ang kasamaang dulot ng POGO.
Lalo na aniya at sinamantala ito ng ilan para kumita, kahit malagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga Pilipino.
“True to his words the President just show his resolve to stop the bad and evil effects of the operation of POGO which was abused, used and made the milking cow of the selected few to the detriment and safety of our filipino people. Let it be said that we in congress together with the president is in line to finally stop all POGOs in the country let the cleansing begin.” sabi ni Fernandez.
Pinuri naman ni CIBAC Party-list Representative Bro. Eddie Villanueva si PBBM sa pagtupad sa kaniyang pangako noong SONA na tuluyan nang ipapahinto ang operasyon ng POGO.
Tinukoy pa niya ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na binuksan ng POGO ang pintuan para sa money laundering, na banta sa ating national security.
Kaya naman panawagan niya na kagyat na pagtibayin ang Anti-POGO Act.
“But the fight against gambling and its ill effects is not yet over…Hence, we call on our fellow lawmakers to swiftly pass the Anti-POGO Act which will guard the welfare and interest of the Filipino people by precluding the comeback of POGOs even in the next generations to come,” diin ng CIBAC solon.
Una nang inihayag ni Speaker Martin Romualdez ang buong suporta sa EO 74.
Aniya, ito rin ang tinatahak na direksyon ngayon ng Kamara sa ginagawang pag-iimbestiga sa kasamaang dala ng POGO.
Inihain ng Quad Committee ang House Bill 10987 o ang “Anti-Offshore Gaming Operations Act,” para ipagbawal ang lahat ng uri ng offshore gaming at magpataw ng parusa sa mga lalabag.
Gayundin ang HB 11043 o ang “Civil Forfeiture Act,” upang paigtingin ang constitutional ban sa pagmamay-ari ng lupa ng mga dayuhan at magkasa ng civil forfeiture sa mga ari-ariang iligal na nabili ng mga dayuhan partikular ang may kaugnayan sa POGO. | ulat ni Kathleen Jean Forbes