Naniniwala si Zambales Representative Jay Khonghun na maituturing na impeachable offense ang assassination threats ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Aniya, ang binitawang mga salita ng Pangalawang Pangulo ay maaaring maging grounds para sa impeachment.
Gayunman, wala naman pag-uusap sa mga miyembro ng Kamara na alisin sa pwesto ang opisyal dahil abala sila sa kanilang trabaho.
“Pero kung tatanungin niyo rin ba ako kung napag-uusapan ba ito sa Kongreso, eh hindi pa namin ito napag-uusapan. Dahil abalang-abala din kaming lahat sa pag-attend ng meeting. At marami din kaming mga batas, mga ordinansa, mga panukalang batas na kailangan ayusin, lalong-lalo na naghahabol din kami dahil malapit na nga yung break,” sabi ni Khonghun.
Katunayan, tuloy lang ang House Blue Ribbon Committee sa pag-iimbestiga sa isyu ng paggamit ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) ng confidential funds kahit mayroon na ring imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay sa pagbabanta na binitiwan ng Bise.
“Sa ngayon wala pa naman kaming napag-uusapan tungkol dyan. Basta kami po tinutuloy pa lamang po namin itong trabaho, kung ano po yung aming maa-unravel dito po sa Committee hearing na to,” pagbabahagi ni Manila Representative Joel Chua, tagapangulo ng House Blue Ribbon Committee.
Pumalag naman si La Union Representative Paolo Ortega sa pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tila minamaliit ang bigat na binitiwang pahayag ng anak.
Aniya, siniseryoso ng Kamara ang mga banta ng Bise Presidente at desidido ring makamit ang katotohanan sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes