Direktang banta sa demokrasya, pamahalaan at seguridad ng bayan.
Ganito inilarawan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga akusasyon at pahayag na ibinato ni Vice President Sara Duterte hindi lang aniya sa kaniya, kundi sa sagradong institusyon ng Kamara de Representantes.
Giit ng House Speaker, hindi na biro ang pag-amin ng bise presidente sa pagkikipag-usap sa isang assassin para patayin siya, ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Louise Araneta Marcos.
“Let me be clear: Hindi na ito biro. Hindi na ito normal na pananalita. Isa itong direktang banta sa ating demokrasya, sa ating pamahalaan, at sa seguridad ng ating bayan. Such a statement is not just reckless — it is dangerous. It sends a chilling message to our people, a message that violence can be contemplated by those in positions of power,” diin ni Romualdez.
Isa aniya itong pag-atake hindi lang sa kanila ngunt sa pinaka pundasyon ng pamahalaan.
Insulto din aniya ito sa mga Pilipino na niniwala sa rule of law at pinahahalagahan ang kasagraduhan ng buhay.
Kailangan aniya na sagutin ito ng bise presidente at harapin ang mga konsekuwensya ng kaniyang mga aksyon.
“We cannot let this pass as mere rhetoric. The gravity of such a confession demands accountability. It demands answers. It demands that we, as the representatives of the Filipino people, take a stand to protect our democracy from any and all forms of threats,” sabi pa niya.
Pinabulaanan din ng House Speaker ang paratang na sinisiraan niya ang bise dail sa kaniyang political ambition sa 2028.
Paalala niya ang trabaho niya bilang Speaker ay maglingkod at hindi manira. Hindi rin aniya bahagi ng kaniyang prinsipyo ang politika ng paninira.
Ang paninira aniya sa kaniya ay hakbang para mawala ang tiwala ng publiko sa institusyon.
“My focus has always been on fulfilling my responsibilities as Speaker of this House, leading with utmost integrity, untarnished by division, and self-interest; and guided by the principle that every action and decision I take must always be for the benefit of the Filipino people. These unfounded accusations are not just about me. They are an affront to the House of Representatives. They are an attempt to erode public trust in this institution, to sow division, and to create chaos. We choose unity over division, dialogue over conflict, and cooperation over confrontation,” wika pa ni Romualdez.
Hamon niya sa pangalawang pangulo, huwag nang ilihis ang usapin at diretsahan nang sagutin kung saan at paano ginamit ang confidential funds ng Office of the Vice President at DEPED.
Kung wala naman aniya siyang itinatago, ay bakit hindi na lang sagutin ang mga tanong lalo at karapatan aniya ng taumbayan na malaman ang katotohanan.
“Accountability is not optional. Transparency is not negotiable. Those entrusted with public funds must be prepared to explain where it was disbursed, and how these resources were utilized,” diin pa ng lider ng Kamara.
Panawagan ni Speaker Romualdez sa kaniyang mga kasamahang mambabatas na magkaisa sa pagdepensa sa Kongreso.
Patuloy din aniya nilang ipaglaban ang tranparency, accountability at pagseserbisyo para sa taumbayan.
Muli rin niyang iginiit ang buo at hindi natitinag na suporta para kay Pang. Marcos Jr. at kaniyang administrasyon.
“Ang laban na ito ay hindi tungkol sa akin, hindi tungkol sa inyo, kundi para sa ating bayan at sa kinabukasan ng bawat Pilipino. Let us rise above the distractions. Let us reject baseless accusations. Let us focus on what truly matters: serving the people and strengthening the institutions that uphold our democracy.” Pagtatapos niya. | ulat ni Kathleen Forbes