Iginiit ng Korte Suprema na ang mga kasong child abuse ay maaaari pa ring dinggin kahit na ang batang biktima ay hindi makakapagtestigo sa korte base sa Doctrine of Unavailable Child sa ilalim ng Rule on Examination of a Child Witness.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Mario Lopez, pinagtibay ng Second Division ng Korte ang conviction ng akusado para sa qualified rape dahil sa paggahasa sa kanyang menor de edad na anak.
Kwinestiyon ng isang ama ang kanyang conviction para sa Qualified Rape dahil ang kanyang biktima at anak na menor de edad ay hindi nakapagtestigo sa korte.
Sa halip, ang sinumpaang salaysay ng biktima na ibinigay sa labas ng Korte, kasama ang medico-legal report at mga testimonya mula sa mga kamag-anak ang iprinisinta ng prosekusyon.
Nagpasya ang Korte Suprema na ang mga pahayag sa labas ng korte ng batang biktima ay pinapayagan sa ilalim ng Doctrine of Unavailable Child.
Pinapahintulutan naman sa ilalim ng Section 28 ng Rule on Examination of a Child Witness, ang pagtanggap ng hearsay testimony ng isang bata na naglalarawan ng pang-aabuso kapag: (1) ang bata ay unavailable dahil sa kamatayan, pisikal na kapansanan, kawalan ng memorya, o sakit sa pag-iisip; posibleng pagkakalantad sa sikolohikal na pinsala; o kakulangan ng makatwirang paraan; at (2) ang kanilang hearsay testimony ay suportado ng iba pang ebidensya.
Layunin ng Section 28 na pigilan ang Miscarriage of Justice sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga kaso ng pang-aabuso sa bata na magpatuloy kahit na hindi available ang batang biktima.
Kinilala ng Korte na ang mga vulnerable na bata ay maaaring pilitin na huwag dumalo sa mga pagdinig upang pigilan silang tumestigo. Ang ilang mga batang biktima ay maaari ring na-trauma para magbigay pa ng kanilang testimonya.
Para matukoy kung kapani-paniwala ang testimonya ng isang unavailable child, sinusuri ng Korte ang ilang factor, kabilang ang karakter ng bata, ang bilang ng mga taong nakarinig ng pahayag, kung ang pahayag ay kusang-loob na binigay at kung mayroong anumang motibo sa pagsisinungaling, pati na rin ang timing ng pahayag. | ulat ni Mike Rogas