Ipinaliwanag ng mga senador kung bakit hindi na tinalakay sa plenaryo ng Senado ang mga amendment sa kanilang bersyon ng 2025 General Appropriations Bill o ang panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson, Sen. Grace Poe, nagkaroon na ng caucus ang mga senador bago pa man aprubahan ang budget bill at dito masusing tinalakay ang panukalang amyenda ng bawat senador.
Sa ginawang caucus ay malaya aniya ang bawat senador na sabihin kung ano ang nais nila.
Sinabi naman ni Sen. JV Ejercito na bago pa ito ay isinumite na rin ng mga senador ang kanilang wish list at proposed amendments sa Finance Committee.
Ito aniya ang nagpabilis at nagpadali ng proseso.
Sinabi ni Ejercito na tanging ang mga hindi tinanggap na amyenda ni Committee Chairperson Poe ang tinalakay nila sa caucus.
Ngayong araw ay sinimulan ang meeting ng Bicameral Conference Committee para pagkasunduin ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara ng 2025 budget bill.
Ayon kay Poe, muling magsasagawa ng bicam sa December 9 at target naman na mapirmahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang pambansang pondo sa December 19. | ulat ni Nimfa Asuncion