Binatikos ng mga lider mula sa “Young Guns” bloc ng Kamara ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na siya’y target ng umano’y “Arnie Teves playbook.”
Ayon sa house Leaders, ito ay desperadong pagtatangka na ilihis ang atensyon mula sa mga seryosong akusasyon laban sa kanya, kabilang na ang banta sa mga mataas na lider ng bansa at posibleng paglabag sa Anti-Terrorism Act.
Ginawa ng mga kongresista ang pahayag sa sinabi ni VP sara na ang kanyang sitwasyon ay gaya kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na idineklarang terorista ng Anti-Terrorism Council–taktika upang ipasara ang kanyang mga ari-arian at yaman.
Sa isang press conference tinutulan ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang pahayag ni Duterte, at sinabing ang kanyang mga problema ay dulot ng kanyang sariling kilos.
Binigyang-diin ni Khonghun na ang hustisya lamang ang makapagsasabi kung may pananagutan ang bise presidente.
Samantala, pahayag nama ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega, tanging ang pangalawang pangulo ang dapat sisihin sa kayang sitwasyon ngayon. | ulat ni Melany Reyes