Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways Region-9 (DPWH-9) ang konstruksyon ng ₱13-M halaga ng farm-to-market road (FMR), na may habang 390 lane meters, sa Sitio Buenagatas, Barangay Boalan sa lungsod ng Zamboanga.
Ang implementasyon ng proyekto ay mahigpit na minomonitor at pinangasiwaan ng DPWH Zamboanga City 2nd District Engineering Office.
Ang pondo ay hinugot ng Kagawaran mula sa General Appropriations Act (GAA) of 2023.
Ayon kay Engr. Cayamombao Dia, regional director ng DPWH-9, ang bagong kalsada ay magbibigay ng ligtas, episyente, at maginhawang biyahe para sa mga motorista at magsasaka sa lugar.
Bago ang implementasyon ng proyekto, ang maputik at lubak-lubak na daan ay nagdulot ng kahirapan sa mga magsasakang magdadala ng kanilang mga produkto sa malaking merkado.
Ayon kay Director Dia, ang proyekto ay magsisilbing mitsa sa economic growth at development sa Barangay Boalan at mga karatig na lugar. | ulat ni Lesty Cubol | RP1 Dagupan