Matapos lumutang ang pangalang ‘Mary Grace Piattos’ sa mga acknowledgement receipt na inilakip sa liquidation report ng ginamit na confidential fund ng Office of the Vice President at DEPED, panibagong pangalan ang napuna ng mga mambabatas.
Tinukoy ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang AR mula OVP at DEPED na may pinirmahan ng isang ‘Kokoy Villamin.’
Aniya, kaduda-duda naman na iisa ang pangalan ng dalawang tao na lumagda sa AR ng magkaibang departamento na pinamumunuan ng iisang opisyal.
“Makikita po natin ‘yung medyo hindi ho kapanipaniwala. Ako, ordinary po ako na tao, I’m not an auditor, but as you can see it, pareho po ‘yung pangalan nila, Kokoy Villamin… ‘Yung acknowledgment receipt from the [OVP] and at the same time, from the DepEd, the same person, Kokoy Villamin from Ozamiz… How unlikely would that be? Two persons with the same name bearing the same spelling, same last name, and the same first name,” ani Adiong.
Sumangayon naman si COA Intelligence and Confidential Funds Auditor Gloria Camora na “highly unlikely” o imposible ang pangyayari na ito.
Isa pa sa ipinunto ni Adiong ang magkaibang pirma ni “Kokoy Villamin” sa AR ng OVP at AR ng DEPED.
“I think it’s very obvious, Mr. Chair, that the signatures on the [AR] submitted by the [OVP] are quite different from the [AR] received by the [DepEd]. Parehong pangalan pero mukhang magkaiba,” sabi pa niya.
Naniniwala si Adiong kung pagbabasehan ang mga kuwestyunableng mga AR na ito ay masasabi na may pang-aabuso sa proseso ng pag-audit.
“With this kind of itong pang-aabuso sa ganitong proseso ng pag-audit na ibibigay lang po nila as [ARs], it opens up so many floodgates of questions which I believe ‘yun ‘yung pinakaimportante po na masagot,” diin ni Adiong.| ulat ni Kathleen Forbes