Nanawagan si Nueva Ecija Rep. Ria Vergara kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging maingat sa mga bibitiwan nitong salita.
Kasunod ito ng panibagong panawagan ng dating chief executive sa militar na talikuran ang kasalukuyang administrasyon.
Sabi ni Vergara, sana gaya ng hindi pangingialam ng dating mga presidente sa kaniyang naging pamumuno noon ay huwag din siyang mangialam sa pamamalakad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayon.
Paalala pa niya na bilang dating presidente ay may bigat pa rin ang mga salitang kaniyang bibitiwan.
“Mr. President Duterte, when you wielded great power during your six years, just as former Presidents didn’t interfere, I pray you do the same. And while you say it is every Filipino’s right to speak freely, you, sir, are a former President and your words bear weight because of the office you once held. And for the sake of our nation, please exercise your right to free speech with great care,” sabi ni Vergara.
Hindi aniya magandang pakinggan na himukin niya ang sandatahang lakas na pag-isipan ang pagsuporta sa kasalukuyang administrasyon lalo na at kung matuloy ito ay mismong ang kaniyang anak ang makikinabang.
Hiling pa niya na huwag pagwatak-watakin ng dating pangulo ang bayan at hayaan niyang mamuno ng maayos si PBBM.
“…who will benefit should your call for the military to rethink their support to our President materialize? Please rise above your interests. Ito po ang buhay na pinili natin. Please do not divide our country. Rise above personal political agendas. As a former President, one of those who has stepped down of office with the highest approval ratings, please give President Marcos a chance without being threatened.“ apela ng Nueva Ecija solon.| ulat ni Kathleen Forbes