Dalawa sa party-list solons ang nagpahayag ng kasiyahan sa napipintong pag-uwi ni Mary Jane Veloso sa Pilipinas matapos ang higit isang dekada na pagkakakulong sa Indonesia.
Ayon kay OFW party-list Rep. Marissa Magsino, ang tagumpay na ito ay nag-ugat sa masigasig na panalangin, masinsinang diplomasya, at di-matitinag na adbokasiya ng ating pamahalaan, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Diin ng lady solon, si Veloso ay simbolo ng maraming Pilipino na naging biktima ng human trafficking at ilegal na gawain, ngunit nananatiling matatag sa paghahanap ng katarungan at pag-asa.
Bilang pangulo naman ng Anti-Trafficking OFW Movement (ATOM), binigyang diin ni Magsino ang kahalagahan ng mas mahigpit na proteksyon para sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagpapaigting sa kampanya laban sa human trafficking .
Sa panig naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaniyang ipinaalala na si Veloso ay hindi kriminal ngunit biktima.
At ang dapat aniya managot dito ay ang mga trafficking syndicates na nambibiktima ng mga Pilipina na nais lang magtrabaho para sa kanilang pamilya.
Nanawagan din si Brosas ng suporta para kay Veloso at kaniyang pamilya, kabilang ang livelihood assistance, psychological support, at tulong legal para mapanagot ang kaniyang mga traffickers. | ulat ni Kathleen Forbes