Matagumpay na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region at Department of Labor and Employment (DOLE) ang cash assistance sa 180 benepisyaryo ng Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished) noong November 25, 2024, sa Casiguran, Sorsogon.
Mahigit PHP 1.4 milyon ang kabuuang halagang ipinagkaloob sa mga benepisyaryo, kung saan bawat isa ay nakatanggap ng PHP 7,900. Ang bayad ay tumutugma sa 20 araw ng cash-for-training at work initiative sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng DOLE. Ang pasahod ay alinsunod sa regional minimum daily wage na PHP 395, at ito ay ipinaabot sa mga benepisyaryo sa tulong ng Palawan Remittance Center.
Ang mga programang Project LAWA at BINHI ay naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga mahihirap at bulnerableng pamilya na makibagay sa mga hamon ng tagtuyot, masamang lagay ng panahon, at kakulangan sa pagkain at tubig dulot ng pagbabago ng klima. Ang mga pangunahing benepisyaryo ay kinabibilangan ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at iba pang grupong nasa laylayan ng lipunan.
Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba, layon ng DSWD at DOLE na suportahan ang pangmatagalang kabuhayan ng mga apektadong komunidad at maibsan ang epekto ng climate change. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay