Pansamantalang nanunuluyan sa dalawang evacuation centers ang nasa 1,000 indibiduwal sa Pasig City.
Ito’y matapos tupukin ng apoy ang nasa 100 kabahayan sa Kangkungan Street, Villa Cruzis sa Brgy. Manggahan kagabi.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection – Pasig City, 6:35PM nang naiulat ang sunog at umabot pa ito hanggang sa ikatlong alarma.
Tumagal ng dalawa’t kalahating oras bago tuluyang naapula ang apoy, pasado 9PM.
Ayon kay mang Leo, tinangka pa niyang tumulong sa pag-apula ng apoy subalit hindi na ito kinaya ng mga magkakapit bahay dahil nasa itaas na bahagi ang nasunog na bahay.
Ang masaklap pa aniya, nasunugan na sila, nanawakan pa ng dalawang bisikleta sa kasagsagan ng sunog.
Gayunman, hinihintay lamang nila ang abiso ng Pasig LGU para bumalik sa kanilng nasunog na bahay at magsimulang muli.
Agad namang nagpadala ng tulong ang pamahalaang lungsod ng pasig para sa mga naapektuhang pamilya na nasa Kaalinsabay covered court at Napico multi-purpose hall.
Tinatayang aabot sa P2-M ang naitalang pinsala ng sunog subalit hanggang sa ngayon ay tinutukoy pa rin ang pinagmulan nito. | ulat ni Jaymark Dagala