Wala pa ring suplay ng kuryente ang malaking bahagi ng Isabela matapos bayuhin ng bagyong Nika kahapon.
Ayon sa ulat ng Office of the Civil Defense – Region 2, sa lakas ng hangin at ulang dala ng bagyong Nika, maraming puno ang nabuwal, gayundin ang mga poste ng kuryente at napatid na power lines.
Hanggang kagabi, mahigit 2,000 pamilya na katumbas ng mahigit 6,000 indibidwal, ang inilikas sa mga ligtas na lugar, na karamihan ay mula sa coastal towns ng lalawigan ng Palanan, Dinapigue, at Maconacon.
Umabot din sa 21 tulay at dalawang kalsada ang hindi madaanan sa kasalukuyan matapos umapaw ang Cagayan River at mga tributaryo nito.
Sinimulan na rin ng Magat Dam sa Ramon, Isabela ang magpakawala ng tubig sa pamamagitan ng isang gate nito, at alas-sais ng umaga, dinagdagan ang gate opening ng isa pang metro dahil sa malakas na tubig na pumapasok sa dam.
Dahil dito, inabisuhan na ng dam ang 55 barangay mula sa siyam na bayan ng Isabela na nasa low-lying areas upang maging alerto sa posibleng pag-apaw ng tubig.
Samantala, maagap namang nagsagawa ng road clearing operations ang PNP, BFP, sundalo, mga LGU, at rescue groups kahapon sa mga pangunahing kalsada sa lalawigan matapos humarang ang mga natumbang puno at lumipad na mga yero.
Dahil maraming istruktura ang nasira, kabilang na ang mga paaralan, simbahan, at mga opisina, suspendido ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan ngayong araw sa lalawigan ng Isabela.
Nakatakda ring isagawa ngayong araw (November 12) ang isang pagpupulong ng Cagayan Valley Regional DRRMC upang tayain ang sitwasyon, lalo na’t nagbabanta ang isang malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela dahil sa mabilis na pag-apaw ng Cagayan River at mga tributaryo nito. | ulat ni Teresa Campos | RP1 Tuguegarao