Ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region, umabot na sa P418,244,767.76 ang halaga ng tulong na naibigay sa mga komunidad at pamilyang naapektuhan ng magkakasunod na bagyong Kristine at Leon hanggang alas-12:00 ng tanghali, Nobyembre 10, 2024.
Kasama sa tulong na ito ang mga Family Food Packs (FFPs), galon at anim-na-litro na bote ng inuming tubig, mga kit para sa pagsasala ng tubig, sako ng bigas mula sa Department of Agriculture, modular at family tents, mga pangunahing non-food relief items, pinansyal na tulong, at mainit na pagkain para sa mga pasaherong na-stranded sa mga pantalan ng rehiyon.
Sa kabuuan, apektado ang 788,024 na pamilya o katumbas ng 3,319,107 na indibidwal sa anim na probinsya ng Bicol.
Mula sa bilang na ito, 7,086 na pamilya o 31,741 katao ang kasalukuyang nasa 147 evacuation centers sa rehiyon. May karagdagang 9,696 na pamilya o 38,547 indibidwal na pansamantalang nakikitira sa mga kamag-anak o pansamantalang umalis sa mga evacuation centers.
Handa rin ang DSWD Bicol sa karagdagang pangangailangan ng rehiyon dahil mayroon itong mahigit PHP 144 milyon na relief stockpiles at standby funds sa kanilang mga bodega at prepositioning sites para sa mabilisang pagtugon.
Sa pamumuno ni Regional Director Norman Laurio, nagpapatuloy ang operasyon ng DSWD Bicol sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang agarang pagbibigay ng suporta sa mga nangangailangan. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay