Nanindigan si Basilan Rep. Mujiv Hataman na bago pa man magsulong o tumanggap ng mungkahi na ipagpaliban ang BARMM elections ay magsagawa muna dapat ng malawakang public constultation, kung tunay na pabor dito ang mga residente ng rehiyon.
Ito ang tugon ng mambabatas matapos sundan ng Kamara ang Senado sa paghahain ng panukalang batas para iurong ang pagdaraos ng BARMM elections mula May 12, 2025 sa May 11, 2026.
“It is my position that before we even entertain proposals to postpone the regional elections, extensive public consultations in BARMM should be undertaken to safeguard the right to suffrage of its citizens. Kailangan ba ito? Makatarungan ba ito? Ito ba ay mas mainam para sa karapatan ng mga mamamayan sa Bangsamoro? Ano ang implikasyon nito sa demokrasya natin?” Sabi ni Hataman.
Aniya ano mang panukala na nagsusulong ng pagpapaliban sa 2025 BARMM elections ay kaniyang tinututulan dahil dapat maging tapat sa pagtataguyod at pagtatanggol sa sagradong karapatan ng mga mamamayan na bumoto at magluklok ng mga lider na gagabay sa kanila sa mga susunod na taon.
“The right of the Bangsamoro people to choose their own leaders who will be ultimately accountable to them is one of the highest expressions of our democracy as enshrined in both the Constitution and the Bangsamoro Organic Law,” dagdag pa niya.
Maliban dito, handa na rin naman aniya ang COMELEC, ang mga partido maging ang mamamayan ng Bangsamoro region para sa darating na halalan.
May desisyon na rin aniya ang Korte Suprema sa postponement ng halalan sa kasong Macalintal vs Comelec (GR 263590 at GR 263673) noong taong 2023 kung saan sinasabi na hindi basta-basta ipinagpapaliban ang eleksyon.
“Nananatili ako sa aking posisyon na dapat matuloy ang halalan sa BARMM sa susunod na taon, sang-ayon sa esensya ng ating Konstitusyon at ng BOL,” ayon kay Hatalan.
Una nang nilinaw ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang panukalang pagpapaliban sa BARMM elections ay para maikonsidera ang mawawalang seat representation dahil hindi na bahagi ng BARMM ang Sulu.| ulat ni Kathleen Forbes