Nanindigan ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina na walang naging pagbabago sa mga ipinatutupad nilang panuntunan ngayong UNDAS.
Ito’y bilang tugon sa reklamo ng ilang tricycle driver na hindi pinayagang makabiyahe patungong Loyola Memorial Park gayundin ang mga nagnanais magtinda sa paligid nito dahil sa kawalan ng permit.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, sinabi nito na matagal na nilang pinaiiral ang paglilimita ng mga biyahe ng tricycle upang makabawas sa pagbigat ng daloy ng trapiko sa paligid ng sementeryo.
Giit pa niya, ang pinagbabawal lamang ay ang pagtitinda sa bangketa lalo na sa mga entrada ng sementeryo upang hindi maging sagabal sa pagdaan ng mga magsisipaggunita ng UNDAS.
Habang nananatili naman ang mga nagtitinda ng bulaklak sa harap ng Loyola Memorial Park na matagal nang nakapuwesto at may lisensya mula sa City Hall at pinapayagan din ang pagtitinda sa loob nito bilang pribadong sementeryo.
May sagot naman ang Alkalde na hinahaluan ng pulitika ang pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng Lokal na Pamahalaan para matiyak na magiging tahimik, maayos at mapayapa ang nasabing okasyon. | ulat ni Jaymark Dagala