Magsasagawa ng isang Maritime Capability Exercise (Marcapex) ang Coast Guard District Southeastern Mindanao sa karagatan ng Davao City mula November 21 hanggang November 23, 2024.
Sa isinagawang Davao Peace and Security Press Corps Media Briefing sa The Royal Mandaya Hotel, inihayag ni Coast Guard Davao City Deputy Station Commander Ensign Winston Gonzales na layunin ng Marcapex na mas mapatibay ang koordinasyon nito sa ibang security agencies sa pagbabantay at pagtugon sa anumang emerhensiya.
Ayon kay Gonzales, may mga senaryo silang isasagawa sa dagat at susubukan itong tugunan kasama ang ibang security forces sa lungsod.
Ang nasabing Marcapex ay bahagi na rin ng Culture of Security campaign ng lungsod kung saan dapat lahat ng tao ay may kontribusyon sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan. | ulat ni Armando Fenequito | RP1 Davao