Iginigiit ni Senador Sherwin Gatchalian na mabigyan ng mas mataas na intelligence fund ang Philippine National Police (PNP) sa susunod na taon para mas mapaigting ang kampanya ng bansa kontra sa mga Philippine Offsore Gaming Operator (POGO).
Ito ay sa gitna ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuluyan nang itigil ang POGO operations sa bansa bago matapos ang taon.
Ayon kay Gatchalian, kailangan ng PNP ng mas mataas na pondo para makakalap ng intelligence lalo’t may mga impormasyon pa ring patuloy at palihim na nag ooperate ang mga POGO at nagpapanggap na ibang negosyo.
Pinunto ng senador na ang intelligence fund ng PNP ay bumaba mula ₱1.356 billion noong 2023 ay naging ₱906 million na lang ito ngayong taong 2024.
Sa ilalim naman ng panukalang 2025 budget, binigyan ang PNP ng intel fund na ₱806.025 million kung saan ₱100 million dito ang dinagdag ng senado.
Pinahayag ni Gatchalian na ang mas mababang intel fund ay kontra sa hangarin na mapabuti ang trabaho ng PNP.| ulat ni Nimfa Asuncion