Patuloy na nakakaapekto ang Northeast Monsoon o Amihan sa Hilagang Luzon, habang ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) naman ang dahilan ng maulang panahon sa Mindanao. Ayon sa PAGASA, asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Mindanao dulot ng ITCZ. May posibilidad ng mga pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora ay makararanas ng maulap na kalangitan na may pag-ulan dahil sa Amihan. Maari rin itong magdulot ng pagbaha at landslide sa ilang lugar. Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan naman ang mararanasan sa Ilocos Region, ngunit walang inaasahang malaking epekto.
Sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan ang inaasahan, kasama ang mga pulu-pulong pag-ulan o pagkulog-pagkidlat dulot ng localized thunderstorms. Posible ang flash floods o landslide sa malalakas na thunderstorm.
Sa mga baybayin, inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na hangin mula hilagang-silangan sa Hilagang Luzon, na may alon na aabot sa 4 na metro. Sa natitirang bahagi ng bansa, bahagya hanggang katamtamang alon ang maaaring maranasan. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay