Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na may nakalatag silang mga hakbang upang maibsan ang epekto ng masamang panahon gayundin ng African Swine Fever (ASF) sa sekto.
Ito’y makaraang i-ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang year-on-year agri-fishery output kung saan, bumaba ang produksyon nito sa 3.7 percent o halos ₱400 bilyon sa ikatlong bahagi ng taon.
Batay sa ulat ng PSA, bumaba ang produksyon sa sektor ng livestock sa 6.7 percent o mahigit ₱61 bilyon, sinundan naman ng pangisdaan na nasa 5.5 porsyento o mahigit ₱55 bilyon, at kopra na bumaba ng 5.1 porsyento o mahigit ₱211 bilyon.
Ayon kay Agriculture Spokesperson, Assistant Secretary Arnel De Mesa, sa katunayan ay umaalalay na ang pamahalaan upang tiyakin na makababawi ang mga magsasaka mula sa epekto ng El Niño, La Niña, at mga nagdaang bagyo.
Sa pamamagitan aniya ito ng pamamahagi ng mahigit ₱541 milyong agricultural inputs o mga binhi gaya ng palay, mais, at gulay, gayundin ang mga gamot para sa livestock at poultry.
Isama na rin dito aniya ang pagpapautang sa mga magsasaka at mangingisda upang may maipangpuhunan sila sa kanilang produksyon at makabawi sa kanilang naging pagkalugi. | ulat ni Jaymark Dagala