Iginiit ngayon ni Murang Pagkain Supercommittee overall chair Joey Salceda na kailangang may managot sa pamamayagpag ng mga cartel at manipulasyon ng presyo ng bigas mula noong administrasyong Duterte.
Sa unang pulong ng Quinta Committee, tinukoy ni Salceda na ang pinakamalaking agricultural price manipulation at anomalya sa importasyon ay nangyari sa panahon ni Duterte at nakaapekto sa maraming Pilipino.
Giit niya, kinontrol ng pribadong sektor ang pag-aangkat ng bigas at manipulasyon ng mga permit kaya naman tumaas ang presyo ng bigas noong 2018 kung saan ang mga mamimili, nagbabayad ng sobrang P8 kada kilo ng bigas.
Sa pag-estima pa ng economist solon umabot ng P88.6 billion ang naitalang economic loss at nasolusyunan lang noong 2019 nang ibasura ng pinagtibay na Rice Tariffication Law ang permit system ng National Food Authority (NFA).
Kinuwestyon din ni Salceda ang kaso laban sa mga opisyal na sangkot sa P2 billion bribery issue sa NFA noong 2018.
Kabilang na dito si Judy Dansal na itinalaga pa ni dating Pang. Rodrigo Duterte bilang NFA administrator.
Inungkat din niya ang pananamantala ng mga kartel sa paglilipat ng NFA ng palay procurement funds mula sa pagsuporta sa mga pagsasaka, sa pagbabayad ng kanilang mga utang.
Sabi ni Salceda ni isa sa mga sangkot sa naturang isyu ay hindi man lang napakulong.
“No one has gone to jail for allegations of bribery in obtaining import permits, or for the NFA’s failure to undercut cartels by diverting palay procurement funds to loan payments. What happened to the charges that then Presidential Spokesperson Harry Roque said the government was going to file in September 2018?” Tanong niya.
Inatasan ni Salceda ang Committee Secretariat na humingi ng update mula DOJ at Ombudsman kung may mga kaso nang naisampa laban sa mga opisyal ng nakaraang adminsitrasyon na sangkot sa manipulation scandal.
Pati na ang imbestigasyon tungkol kay dating NFA Administrator Jason Aquino.
Salig sa House Resolution 2036 na iniakda nina Speaker Martin Romualdez at House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, tututukan ng Quinta Comm ang pagtugon sa presyo at suplay ng pagkain.| ulat ni Kathleen Forbes