Hindi dapat makaapekto sa aaprubahang budget ng Office of the Vice President (OVP) ang mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez nitong weekend ayon kay Senadora Grace Poe.
Sinabi ng senadora na hindi kailanman dapat makaapekto ang ganitong bagay dahil hindi naman dapat sa personalidad nakatingin kundi sa paraan ng pagdepensa nito sa panukalang pondo ng kanyang opisina.
Nang matanong kung ibabalik ng Senate Finance Committee ang orihinal na higit P2 billion proposed 2025 budget ng OVP sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Sinabi ni Poe na dapat na lang itong abangan bukas kung kailan inaasahang sisimuhan ang period of amendments ng 2025 budget bill.
Sa ngayon ay pinapaprimahan pa aniya ng senadora ang committee report tungkol dito.
Inaasahang magtatagal hanggang sa Miyerkules ang period of amendments at matapos nito ay posible nang aprubahan ng Senado ang pinal na bersyon nila ng budget bill.| ulat ni Nimfa Asuncion