Pinatitiyak ng mga senador sa Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi madi-discriminate ang mga Pilipino na dating empleyado ng mga Philippine offshore gami g operator (POGO).
Sa plenary deliberations ng panukalang 2025 budget ng DOLE, ipinahayag ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na maaari kasing ma-discriminate o mahirapang makahanap ng bagong trabaho ang mga ex-POGO employee, dahil na rin sa imahe ng pinagmulan nilang industriya.
Tugon naman ng sponsor ng DOLE budget na si Senador Loren Legarda, nasa mga employer na ang pagdedesisyon sa mga kukunin nilang empleyado.
Nakadepende na aniya ito sa ipapakitang skills at integridad ng empleyado.
Sinabi naman ni Legarda na sa panig ng DOLE, may mga ikinasa at gagawin pa silang job fair para sa mga Pinoy na dating POGO employee.
Base aniya sa profiling na ginawa ng DOLE, nasa 27,590 ang mga Pilipinong apektado ng pagsasara ng mga POGO sa bansa.
Bukod sa job fair, may iba pang programa ang DOLE para sa mga ex-POGO workers gaya ng employment facilitation, job matching, referral, job placement at training para sa kanila.
Samantala, ibinahagi rin ni Legarda na hindi na tumatanggap ang DOLE ng aplikasyon para sa alien employment permit ng mga dayuhan sa Internet Gaming Licensees. | ulat ni Nimfa Asuncion