Aminado ang mga taxi driver na bitin ang ₱0.10 centavos rollback sa presyo ng kada litro ng gasolina na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Mandaluyong City, sinabi ng ilang tsuper ng taxi na hindi nila ito ramdam lalo’t napakabigat pa rin ng daloy ng trapiko na siyang nagpapahirap sa kanilang biyahe.
Kaya naman kahit wala pa ang Pasko, hiling nila na sana’y magsunod-sunod pa ang ipatutupad na rollback ng mga kumpanya ng langis sa kanilang mga produkto.
Habang ang mga tsuper ng jeepney naman, umaaray sa ₱0.75 centavos na umento sa kada litro ng diesel.
Anila, magreresulta ito sa kabawasan ng kanilang kita kaya’t tiyak na bawas na naman ang kanilang mabibili para sa pamilya.
Una nang ipinaliwanag ng Department of Energy (DOE) na ang rollback ay dulot ng diplomatic solutuons sa tensyon sa Gitnang Silangan habang ang price hike naman ay kasunod ng fuel demand ng Estados Unidos. | ulat ni Jaymark Dagala