Nagpulong ang Metro Manila Council (MMC) para talakayin ang ilang mahahalagang usapin na may kinalaman sa pagpapatupad ng mga polisiya at iba pang mga hakbang.
Pinangunahan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman, Atty. Don Artes ang naturang pulong kasama si Pasig City Mayor Vico Sotto na siyang Vice President ng MMC.
Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan ng iba’t ibang Local Government Units sa NCR gayundin ng iba pang ahensya ng Pamahalaan.
Kabilang sa mga tatalakayin dito ang pagpapaigting sa pagtugon sa mga kalamidad lalo’t sunud-sunod na dumarating ang mga bagyo sa bansa.
Ilan dito ang pagpapagana sa Emergency Operations Center katuwang ang kanilang Mobile Command Center na siyang tututok sa mga pangunahing lansangan gayundin ang pagpapadala ng mga emergency equipment sakaling kailanganin.
Kahit walang direktang epekto sa Metro Manila, tinututukan pa rin ito ng MMDA ang galaw ng bagyong Ofel.
Habang mas kailangang paghandaan ang bagyong Pepito na inaasahang makaaapekto sa Central Luzon at NCR. | ulat ni Jaymark Dagala