Lumagda ng Memorandum of Understanding (MOU) ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at Victorias City, Negros Occidental, para mas mapalawig pa ang kampanya ng “Responsableng Panonood Tungo sa Bagong Pilipinas.”
Pumirma para sa MTRCB si Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio at si Mayor Javier Miguel Benitez ng Victoria kaharap ng ilang MTRCB Board Members at opisyales ng Victorias LGU.
Ayon kay Chair Sotto- Antonio, ang pagtutulungan ay misyon ng MTRCB na maitaguyod ang responsableng panonood at tamang pagpili ng palabas ng pamilyang Pilipino na nakatuon sa interes ng kabataang manonood.
Parte ng kasunduan ang pagpapalabas ng infomercial na siyang makatutulong sa mga magulang at nakakatanda pagdating sa responsableng paggabay sa mga bata sa pagpili ng palabas na angkop sa kanilang edad.
Sinabi naman ni Benitez na handa ang kanyang pamahalaan na sumuporta sa mga adhikain ng MTRCB tungo sa responsableng panonood.
Lumagda rin ng isang MOU ang Cadiz City LGU at MTRCB para sa kahalintulad na misyong isulong ang responsableng panonood sa Lungsod ng Cadiz.
Ang dalawanag MOUs ay alinsunod sa “Tara, Nood Tayo!” campaign ng administrasyong Marcos na layong mapalakas ang industriya ng pelikula at ang paigtingin pang lalo ang tamang pagpili ng panonoorin ng pamilyang Pilipino. | ulat ni Melany Reyes