Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na nasa desisyon na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung sasali muli ang Pilipinas bilang state party ng rome statute ng international criminal court (ICC).
Sa pulong balitaan sa Senado, binigyang diin ni Escudero na ang foreign policy ng bansa ay nasa sole discretion ng presidente ng bansa.
Sakali man aniyang magdesisyon si Pangulong Marcos na bumalik sa ICC, ang papel lang nila sa Senado ay ratipikahan ang tratado.
Ipinaliwanag ng Senate leader na hindi pwedeng umaksyon ang Senado tungkol sa usapin na ito nang walang aksyon ng pangulo.
Pero sa personal na pananaw ng Senate president, sa ngayon aniya ay hindi pa niya ito napag-aaralang mabuti.
Kabilang naman sa mga kinokonsidera ni Escudero ang isang probisyon sa ICC treaty na papasok sila sa isang bansa kung hindi na gumagana ang justice system ng bansang ito.
Ayon kay Escudero, hindi siya handang tanggapin at aminin na hindi gumagana ang justice system ng Pilipinas.
Malaking sampal aniyang sabihin ito para ating hudikatura at mga husgado sa bansa.
Aminado naman ang senador na pwedeng makilahok muli ang Pilipinas sa ICC kung wala na talagang matatakbuhan para sa hustiya pero hindi pa ito ngayon. | ulat ni Nimfa Asuncion