Mungkahi ngayon ni CamSur Rep. LRay Villafuerte na bumuo ng isang multi-year Bicol Rehabilitation and Recovery Fund (BRRF), upang mapabilis ang pagbangon ng rehiyon mula sa hagupit ng bagyong Kristine.
Mungkahi ng mambabatas, paglaanan ito ng paunang P20 billion para sa 2025.
Bahagi naman ng rehab at recovery fund na ito ang pagbuhay sa Bicol River Basin Development Program (BRBDP).
Gayundin ang pagtatayo ng mga permanent, climate-proof, mega evacuation centers sa matataas na lugar.
Punto ng mambabatas, maging ang mga kasalukuyang evacuation centers nila kasi sa rehiyon ay inabot ng tubig baha.
Dahil naman sa naaprubahan na ng Kamara ang panukalang 2025 National budget, ang mga senador na aniya ang may kakayahang mag realign ng pondo para dito at sasangayunan na lang ng Kamara oras na sumalang ang panukalang pambansang pondo sa bicameral conference committee.
Ang mga susunod na alokasyon aniya para sa BRRF ay maaaring ipasok sa susunod na pambansang pondo oras na makuha na ang kabuuang halaga ng pinsala ng bagyo. | ulat ni Kathleen Forbes