Desidido ang Murang Pagkain Supercommittee o Quinta Committee na makasuhan ang mga sangkot sa rice price manipulation noong nakaraang administrasyon.
Sabi ni overall chair Joey Salceda, nangako ang nakaraang administrasyon na pananagutin ang mga sangkot sa pinakamalaking manipulasyon ng presyo ng bigas, dahilan para isabatas ang Rice Tariffication Law.
Kaya aniya hinihingi nila ang update sa DOJ kung ang mga sangkot sa price manipulation pati na sa isyu ng panunuhol sa National Food Authority ay nakasuhan na.
Handa rin aniya sila gamitin ang subpoena powers ng Komite para makakalap ng dagdag na mga ebidensya para mapanagot ang mga may sala.
“Promises were made that people would go to jail for this. That is why we are following up on the Department of Justice to see whether cases were indeed filed. We can prod the justice system to investigate and prosecute. And we can use our subpoena powers to aid in the buildup of evidence.” ani Salceda
Mahalaga ngayon para sa economist-solon na matukoy kung ang mga taong nanamantala noon ay aktibo pa sa rice trade at kung paano sila mapipigilan upang hindi na maulit ang insidente.
Suspetya kasi ni Salceda marami sa kanila ang nasa negosyo pa at nagpapatuloy ang operasyon ng kartel.
Punto niya, malaki na ang ibinaba ng presyo ng bigas sa world market at tinapyasan na rin ang rice import tariff pero mataas pa rin ang presyo ng bigas sa merkado.
“I am particularly concerned about deterring this scheme from happening again, because I suspect a good number of those involved are still in the business. Rice prices in the world market are already going down by about 14 percent. Add to that the tariff reduction from 35 percent to 15 percent and landed cost of rice imports should have gone down by as much as 34 percent. But rice retail prices, year-on-year, have gone up by 9 percent. That is impossible without cartel-like behavior.” diin niya. | ulat ni Kathleen Forbes