Naging pangunahing layunin ng Department of Health (DOH) Bicol ang pagtalakay sa nararanasang Typhoon Fatigue ng mga Bicolano sa ginanap na 10th Bicol Mental Health Convention sa Legazpi City Convention Center.
Dinaluhan ang aktibidad ng aabot sa 350 empleyado mula sa mga Rural Health Units, NGOs, at Treatment Rehabilitation mula sa iba’t ibang probinsya at lalawigan sa Bicol.
Ayon kay DOH Bicol Mental Health Program Manager Windalyn Baluis, mahalagang pag-usapan ang mental health, partikular na sa mga nakakaranas ng Typhoon Fatigue matapos ang sunod-sunod na pagtama ng mga bagyo sa Bicol Region. Aniya, kinakailangang mabigyan ng sapat na interbensyon ang mga residente, gayundin ang mga responders na nakakaranas ng pagkapagod at pagkadismaya dahil sa mga bagyo.
Dagdag ni Baluis, kinakailangan din na gawing institusyonal ang mental health sa loob ng opisina upang mapangalagaan ang well-being at isip ng bawat manggagawa.
Sinabi rin ni DOH Bicol Regional Director Rodolfo Antonio Albornoz na ang pananalasa ng Bagyong Kristine at Pepito sa Bicol ay isang pagsubok para sa kanilang mga emergency response teams na kahit sila mismo ay naging biktima ng bagyo, patuloy pa rin ang kanilang paghahatid ng serbisyong medikal sa mga kababayang nangangailangan ng tulong.
Sa pagtatapos ng aktibidad, nabigyang-linaw ang mga health workers sa pangangalaga ng kanilang mental health sa kabila ng mga dumating na kalamidad. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay