Tinatayang nasa 1,700 na pamilya ang posibleng ilikas sa bayan ng Buhi, Camarines Sur kaugnay ng paghahanda ng Lokal na Pamahalaan sa banta ng bagyong Pepito.
Una rito, nagpulong ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa pamumuno ni Buhi Mayor Rey Lacoste kahapon, November 14, 2024, at isa sa napag-usapan dito ay simula ngayong araw, November 15, 2024, isasagawa na ang paglilikas sa mga lakeside barangays at iba pang lugar sa bayan ng Buhi na maaaring magkaroon ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Tinatayang mahigit sa 1,700 na pamilya ang posibleng ilikas ng LGU Buhi ngayong araw mula sa lakeside barangays, bukod pa rito ang ibang barangay sa Poblacion at iba pang mga sektor.
Samantala, ipinag-utos din ni Mayor Lacoste na ihanda ang lahat ng kinakailangan para sa evacuation, camp management, at iba pang aspeto ng pagresponde sa binabantayang bagyo. | ulat ni Vanessa Nieva | RP1 Naga