Agad kumilos ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para isaayos ang mga nasirang transmission lines partikular na sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyong Marce.
Ayon sa NGCP, nagkasa na ng pagpapatrolya ang kanilang mga tauhan para magsagawa ng sabayang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa mga lugar na ligtas nang pasukin.
Kabilang sa mga apektadong transmission lines ay ang Sta. Ana-Lallo 69kV line; Tuguegarao-Magapit 69kV line; Magapit-Calamaniugan 69kV line, at Tuguegarao-Tabuk 69kV line.
Sinabi pa ng NGCP na sakaling makaranas ng power outage sa labas ng mga nasabing lugar ay makipag-ugnayan lamang sa kanilang local distribution utility.
Magugunitang unang binayo ng bagyong Marce ang bayan ng Sta. Ana sa Cagayan na sumira sa mga linya ng kuryente bunsod ng malakas na hangin at ulan na dala nito. | ulat ni Jaymark Dagala