Hinarang ng magkasanib ng pwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang isang Panamanian-flagged oil tanker sa karagatang sakop ng Manila Bay dahil sa sunod-sunod nitong paglabag.
Ayon sa ulat, ang tanker na kinilala bilang MT AU LEO na may kargang palm oil ay naobserbahang nakadaong sa Manila Bay ngunit hindi tumutugon sa mga radio call gayundin sa Vessel Traffic Management System ng Maynila. Ito ay nagdulot ng pangamba kaugnay sa hindi pagsunod ng barko sa mga maritime safety protocol, partikular sa komunikasyon at pagsunod sa watchkeeping duties.
Matapos ang inspeksyon na isinagawa ng Port State Control National Capital Region-Central Luzon, natuklasan ang mga sumusunod na paglabag:
• Hindi pagsunod sa Radio Watch sa Channel 16
• Depekto sa Steering Gear
• Kakulangan sa Safety Management System (SMS)
Pinuri naman ng PCG at DA-BFAR ang mabilis na aksyon ng Port State Control NCR-CL sa insidenteng ito, na nagpakita ng kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa mga karagatan ng bansa.
Pinaaalalahanan ng PCG ang mga maritime stakeholder na sumunod sa mga pamantayan ng international maritime safety dahil ang sinumang lalabag ay tiyak na kahaharapin ang mahigpit na parusa. | ulat ni EJ Lazaro