Aarangkada ngayong araw sa Caloocan City ang isang eksklusibong Overseas Mega Job Fair para sa mga naghahanap ng trabaho abroad.
Hinikayat ni Caloocan City Mayor Dale Malapitan ang mga jobseeker na maghanda na ng madaming resume at dumalo sa job fair na gaganapin sa Caloocan City Sports Complex, simula mamayang alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Ito ay pangungunahan ng Caloocan Public Employment Service Office sa pakikipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon sa Caloocan PESO, nasa 11 kumpanya ang lalahok sa naturang job fair.
Kabilang sa maaaring aplayang trabaho dito ang nurse, waiter, cook, hairdresser, laborer, computer at electrical technician, heavy trailer driver, at machine operators.
Bukod sa resume, pinapayuhan ang mga aplikanteng magbitbit na rin ng kanilang valid ID. | ulat ni Merry Ann Bastasa