Nagdesisyon ng House blue ribbon committee na ilipat ng detention facility si OVP chief of staff Atty. Zuleika Lopez.
Matatandaang, Miyerkules na ipa-contempt si Lopez sa paglabag sa section 11 paragraph f ng House rules.
Sampung araw siyang idedetine dapat sa pasilidad ng Kamara, pero 11:30, gabi ng Biyernes, isinilbi ni Legislative Security Bureau Executive Director at retired AFP Captain Belinda Bello ang atas ng House Blue Ribbon Committee na ilipat siya mula sa House of Representatives detention facility sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong City.
Nagkaroon naman ng pagkaantala sa pagsisilbi nito dahil hinarang ito ni Vice President Sara Duterte na namalagi pa rin sa loob ng batasan pambansa complex.
Ayon kay House Sgt. At Arms Napoleon Taas, nagdulot din aniya ng gulo ang biglang pagrepresenta ng bise kay Lopez bilang kaniyang abogado.
Bandang 3:01 AM ng Sabado, dinala si Lopez sa Veterans Memorial Medical Center sakay ang ambulansya ng PNP para sa medical check-up. Sinamahan din siya ni VP Duterte sa ambulansya.
Lumabas naman na normal ang kalagayan niya ngunit nagpadala pa rin sa St. Lukes hospital para muling magpatingin. | ulat ni Kathleen Forbes