Maglalaan ng P1.6 billion ang Department of Agriculture (DA) para mapalawak ang industriya ng seaweed sa susunod na taon.
Ito ay sa ilalim ng Enhanced Philippine Seaweed Development Program, upang mas pasiglahin ang sektor ng aquaculture.
Partikular na ang seaweed, na isa sa mga pangunahing agricultural export ng Pilipinas.
Batay sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), malaki ang potensyal ng seaweed farming dahil mayroong 64,000 ektarya, na maaaring mapalawak ang taunang produksyon sa halos 50 porsiyento.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., malaki ang oportunidad nito dahil makalilikha ng libo-libong trabaho, at makapagbibigay ng malaking dagdag sa kita ng bansa sa foreign exchange.
Sinabi naman ni BFAR Officer in Charge Isidro Velayo Jr., halos kalahati ng pondo para sa programa ay ilalaan sa pamamahagi ng mga kagamitan sa seaweed farming, pagpapatayo ng mahigit 100 bagong nursery, at mapanatili ang 24 na umiiral na seaweed culture areas. | ulat ni Rey Ferrer