Nasabat ng Bureau of Customs – Port of Clark ang aabot sa P3.150 milyong halaga ng high-grade marijuana o “Kush”, sa isinagawang operasyon kontra illegal na droga.
Ayon sa BOC, tumimbang ang nasabat na droga sa 2,100 grams, at nakatago sa isang shipment na idineklarang “4 Seasons Camping Sleeping Bag.”
Natunugan ang droga matapos magsagawa ng x-ray inspection at K-9 sniffing, kung saan nakita ang dalawang Joog bags na may vacuum-sealed pouches ng may lamang pinatuyong marijuana.
Naglabas na ng Warrant of Seizure and Detention si Acting District Collector Jairus Reyes laban sa shipment dahil sa paglabag sa mga batas, sang-ayon sa Customs Modernization and Tariff Act at Dangerous Drugs Act. Ayon kay Reyes, mahalaga ang kanilang tagumpay sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad.
Magkatuwang na naisagawa ang nasabing operasyon sa pagtutulungan ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force, PNP Aviation Security Group, NBI Pampanga District Office, Department of Justice, at mga opisyal ng Brgy. Dau, Mabalacat City sa Pampanga. | ulat ni EJ Lazaro