Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang distribusyon ng iba’t ibang government assistance para sa mga magsasaka, mangingisda, at mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Kristine sa Camarines Sur.
Nagtungo ang Pangulo sa Fuerte CamSur Sports Complex sa Pili, Camarines Sur (November 6), kung saan tig-P10, 000 na halaga ng Presidential assistance na ipinagkaloob sa mga benepisyaryo mula sa 15 munisipalidad ng lugar.
Tatanggap rin ang Camarines Sur ng P50-M mula sa Office of the President (OP).
“Hindi lang po ang Pilipinas ang tinatamaan ng matinding pagbabago ng panahon na ito, kung hindi sa buong daigdig ay nakikita natin ganito rin ang nangyayari. Kaya kailangan nating gumawa ng masusi at maagap na solusyon upang hindi na muling mangyari ang ganito kalaking pinsalang dala ng mga bagyo.” -Pangulong Marcos.
Umaasa si Pangulong Marcos na makatutulong ang financial assistance na ito sa muling pagbangon ng mga pamilyang labis na naapektuhan ng magkakasunod na sama ng panahon na tumama sa bansa.
Pagsisiguro ng pangulo, nagpupursigi na ang pamahalaan upang agarang maibalik sa normal ang sitwasyon sa mga pinaka-apektadong komunidad.
“Talaga nagpupursige tayo na maibalik sa normal ang kondisyon, sa lalong madaling panahon, ang mga nasirang tahanan, imprastraktura, at kabuhayan nitong bagyo. Mga kababayan, hindi na po iba sa atin ang madaanan ng bagyo. Ngunit, itong nakaraang hagupit ng Bagyong Kristine, talagang ang lawak ng pinsala.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan