Pag-aabot ng pera sa mga piling kawani ng DepEd sa ilalim ng dating pamunuan, labag sa ‘No Gift Policy’ ng gobyerno

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naalarma ang ilang mambabatas sa paglutang ng isa na namang empleyado ng Department of Education (DepEd) na nakatanggap ng sobre na may laman na pera sa ilalim ng pamumuno ng noo’y Education Secretary na si Vice President Sara Duterte.

Matatandaan na sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, inamin ni DepEd Chief Auditor Rhunna Catalan na inabutan siya ng noo’y DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda ng sobre na may halagang ₱25,000 sa loob ng siyam na buwan.

Kahalintulad ito ng nangyari kay dating DepEd Undersecretary Gloria Mercado na siyang Head of Procuring Entity at si dating DepEd Bids and Awards Committee Chair Resty Osias.

Sinabi ni Deputy Majority Leader Jude Acidre na nakababahala na mismong ang Pangalawang Pangulo ay lumabag sa “No gift policy” ng gobyerno sa ginawa nitong pamimigay ng sobre na may lamang pera sa mga piling opisyal ng kagawaran.

“Apparently, ang VP mismo nung siya ay Secretary of Education ay hindi sumunod sa sariling polisiya na No Gift Policy. So anong klase ng leadership meron ang isang tao na siya mismo ang babali sa sariling polisiya?…kahit kami mga congressmen, hindi kami pwedeng magbigay ng regalo sa mga superintendents namin, sa mga regional directors namin apparently because of this No Gift Policy. Tapos meron pala sa pinakamataas na posisyon ng kagawaran nila, hindi rin sinusunod at binabalewala ang sariling polisiya na No Gift Policy,” ani Acidre.

Sinabi pa ng mambabatas, hindi naman ito basta lang usapin ng halaga ng pera ngunit ang kuwestyonableng intensyon sa pagbibigay ng pera.

“It wasn’t released through official papers…Medyo kahinahinala lang talaga…Any officers that have something to do with the releasing and utilization of these funds, ang nabigyan,” paliwanag pa niya.

Dagdag pa ng Deputy Majority leader na pinatotohanan lang ni Catalan na hindi totoo ang sinabi ng Bise Presidente na mayroon lamang sama ng loob si Mercado kaya sinabi nito na nakatanggap ito ng sobre na may lamang pera.

“What does the testimony of Ms. Catalan also tell us? Two things kasi hindi ito masyadong na-emphasize. Una, kino-corroborate niya ang unang testimonya ni Usec. Mercado. Ibig sabihin nagsinungaling ang VP nung sinabi niya nagsisinungaling ito isang disgruntled employee lamang si Usec Mercado,” dagdag pa ni Acidre. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us