Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hanggang December 13 na lamang muna ito makakapagisyu ng guarantee letter para sa mga nangangailangang mamamayan.
Sa DSWD Forum, sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na ito ay para bigyang daan ang pagaasikaso ng mga kinakailangang dokumento para mabayaran ang mga service providers ng kagawaran.
Kasama sa hindi muna maiisyuhan ang mga GL para sa mga medical expenses at funeral benefits na nagkakahalaga ng P10,000 pataas.
“Tuwing ganitong panahon ay nagsasagawa ang DSWD ng cut off sa pagpapalabas ng guarantee letter upang maayos naman natin na masettle ang ating responsilidad sa ating mga service provider” pahayag pa ni Dumlao.
Paliwanag nito, tanging outright cash na muna ang ipagkakaloob ng DSWD sa mga nangangailangan sa ilalim ng Assistance to Individual Crisis Situation (AICS).
Nilinaw din ni Asec. Dumlao na oras na maayos na ang obligasyon ng DSWD sa mga service provider ay agad ibabalik ang pag iisyu ng guarantee letter ng DSWD. | ulat ni Merry Ann Bastasa