Muling nagpaalala ang Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) ng Department of Agriculture – Regional Field Office 1 (DA-RFO1) sa publiko na iwasang kumain ng karne ng mga hayop na biglaan ang pagkamatay o sakit ang dahilan ng pagkamatay.
Ayon kay Dr. Michael S. Usana, ang Chief ng RADDL ng DA-RFO1, ang mga alagang hayop na biglaang namatay ay maaaring magdala ng sakit sa tao kapag ito ay kinakain.
Isa sa mga ibinigay na dahilan ay maaaring namatay ang mga hayop dahil sa pagkalason na makakasama sa kalusugan ng tao.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na may zoonotic diseases ang mga namatay na hayop. Ang Zoonotic Diseases ay mga nakakahawang sakit na naipapasa ng hayop sa tao sa pamamagitan ng bacteria, parasites, at viruses.
Inirekomenda ni Dr. Usana na ipasuri ang mga namatay na hayop upang matukoy ang kadahilanan ng kanilang pagkamatay. Isa sa mga serbisyong hatid ng RADDL ay ang necropsy o animal autopsy, kung saan tinutukoy ang sakit ng mga alagang hayop.
Para sa mga nagnanais makakuha ng serbisyo, maaaring dalhin ang mga maliliit na hayop tulad ng manok, biik, o kambing sa RADDL na matatagpuan sa Sta. Barbara, Pangasinan. Para naman sa malalaking hayop tulad ng mga kalabaw o baka, maaaring makipag-ugnayan sa mga LGU na kayang magsagawa ng necropsy. Maaari rin umanong kumuha ng sample ang mga beterinaryong magsasagawa ng necropsy upang mapasuri ito sa laboratoryo. | ulat ni Ricky Casipit | RP1 Dagupan