Pormal nang hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa mga social media platform ang pag-preserve sa kopya ng video ni Vice President Sara Duterte-Carpio na naglalaman ng kanyang pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Andres, sumulat na sila sa YouTube, Meta, at iba pang social media platform upang i-preserve o huwag buburahin ang nasabing video.
Ito ay upang magamit ng National Bureau of Investigation (NBI) sa gagawin nilang imbestigasyon laban sa Pangalawang Pangulo.
Agad din naman daw pumayag ang mga social media platform na kanilang pananatilihin ang naturang video.
Samantala, kinumpirma na rin ng NBI na hindi AI o Artificial Intelligence at Deepfake ang nasabing video ni VP Sara. | ulat ni Mike Rogas